Fiona Fernandez I iMINDSPHILIPPINES

Hinatulan ng reclusion perpetua at perpetual disqualification to hold public office ng Sandiganbayan 1st Division si dating Maguindanao Governoor Sajid Ampatuan dahil sa three counts of malversation.
Sa report mula sa ABS CBN News, sinentensiyahan din ang kanyang kapwa akusado na si Datu Ali Abpi Al Haj, dating Maguindanao Provincial Budget Officer.
Ito ang naging pasya matapos ang isinagawang promulgation sa pamamagitan ng video conferencing.
Photo courtesy : Google Photos
Ayon sa Revised Penal Code, ang isang taong hinatulan ng reclusion perpetua ay dapat makulong ng 20 hanggang 40 taon ngunit maaring i-pardon ng Pangulo pagkatapos ng 30 taon.
Para sa tatlong kaso ng malversation, sina Ampatuan at Abpi ay hinatulan din ng korte na bayaran ang katumbas na halaga ng malversed funds na P29.8 milyon, P30.3 milyon at P12.8 milyon.
Sina Ampatuan at Abpi ay nilitis sa kasong graft at malversation dahil sa falsification of public documents sa pagbili ng bigas, sardinas, brown sugar at tuyong isda noong 2009.
P29.8 million pesos ng mga suplay ang binili umano mula sa Nestor Merchandise, P30.3 milyon at 12.8 milyon mula sa H&S Merchandise at P6.6 milyon mula sa Isulan & General Merchandise. Pero batay sa imbestigasyon na isinagawa ng Office of the Ombudsman, lumalabas na wala umanong purchase o pagbili ng mga nabanggit na suplay.
Parehong napatunayang nagkasala sina Sajid at Abpi sa 4 counts ng graft at bawat isa ay sinentensiyahan ng 6 hanggang 8 taong pagkakakulong bawat kaso o dalawampu’t apat hanggang talumpo’t dalawang taon.
Napatunayang guilty din ang dalawa sa panibagong malversation ngunit sinentensiyahan lamang sila ng 14 hanggang 18 taon at inutusang magbayad ng penalty na P6.6 milyon.
Hinatulang guilty din si Abpi sa panibagong count ng graft at hinatulan ng 6 hanggang 8 years sa pagkakakulong gayundin ng panibagong count ng malversation na may parusang reclusion perpetua at pinagbabayad ng P15.7 milyon.
Nabatid sa desisyon na nawalan ng pondo ang lalawigan ng Maguindanao na nagkakahalaga ng P15.7 milyon at P79.7 milyon mula sa Internal Revenue Allotment nito.
Binigyang-diin din ng korte sa desisyon na si Ampatuan ang humihiling ng mga fake purchase activities, habang ang kanyang kapwa akusado ay aktibong bahagi rin sa pamamagitan ng pamemeke ng mga dokumento at nagrekomenda ng negotiated procurement sa halip na competitive bidding.
Una nang hiniling ng abogado ni Ampatuan na ipagpaliban ang promulgation dahil mayroon silang nakabinbing petition for certiorari sa Korte Suprema ngunit binanggit na oral manifestation lamang ito, dahil wala pang natatanggap na temporary restraining order ang korte.
End