iNEWS | October 8, 2021
Cotabato City, Philippines - Pasado ala-singko pa lamang kahapon ng umaga, bantay sarado na ng mga pulis at sundalo ang loob at labas ng tanggapan ng COMELEC Maguindanao sa loob ng Bangsamoro Government Center sa Cotabato City.
Pasado alas-otso ng umaga nang maghain ng kanyang Certificate of Candidacy si Maguindanao Incumbent Governor Bai Mariam Sangki-Mangudadatu.
Kumakandidato itong muli bilang gobernador ng lalawigan sa ilalim ng Nacionalista Party.
Makakatunggali nito si Maguindanao Second District Congressman Toto Mangudadatu na naghain na rin ng kanyang COC pasado ala una ngayong hapon.
Magpinsan si Congressman Toto Mangudadatu at ang asawa ni Governor Bai Mariam Sangki-Mangudadatu na si Sultan Kudarat Governor Suharto “Teng” Mangudadatu.
Kasama ni Governor Bai Mariam Sangki-Mangudadatu sa paghahain ng COC kahapon ng umaga ang kanyang running mate na si Fatima Ainee Sinsuat bilang bise-gobernadora ng probinsya.
Si Fatima Ainee Sinsuat ang maybahay ng kasalukuyang bise gobernador ng lalawigan, Datu Lester Sinsuat. Makakatunggali nito ang dating kongresista sa unang distrito ng Maguindanao kasama ang Cotabato City na si Bai Sandra Sema.
Ang Member of Parliament ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na si Sittie Shahara “Dimple” Mastura ang kumakandidatong kongresista sa unang distrito ng Maguindanao.
Makakatunggali nito ang incumbent congressman sa unang distrito ng probinsya Ronnie Sinsuat na tiyuhin naman ni incumbent Maguindanao Vice Governor Datu Lester Sinsuat.
Sa Ikalawang Distrito ng Maguindanao, Si Tong Paglas ang kumakandidatong kongresista. Makakatunggali nito ang dating kongresista ng distrito at kapatid ng kasalukuyang Congressman Toto Mangudadatu na si Sajid.
Parehong kaalyado nina Maguindanao Governor Bai Mariam Sangki-Mangudadatu at Congressman Toto Mangudadatu ang mga malalaking angkan sa probinsya ng Maguindanao.
Lahat ng mga kandidato sa provincial posts sa lalawigan ay pumirma sa 2022 national and local elections integrity pledge.
Umaasa naman ang COMELEC ng mapayapa at maayos na halalan sa buong probinsya ng Maguindanao.
