Fiona Fernandez I IMINDSPHILIPPINES

Binigyan diin ni Pangulong Ferdinand. Marcos Jr. nitong Martes ang kahalagahan ng magandang koordinasyon sa pagitan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at mga local government units partikular sa panahon ng kalamidad.
Sa isinagawang situation briefing kasama ang mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa 6th Infantry Division, iginiit ng pangulo sa mga opisyal na gawing mas matatag at maganda ang relasyon para hindi nagkakaproblema sa pagtugon sa kalamidad.
Binigyang-diin din ng pangulo na kailangan ng joint operations upang mapakinabangan ang mga resources ng gobyerno.
Nauna nang nagpahayag ng pagkadismaya si Pangulong Marcos sa napaulat na mataas na bilang ng mga nasawi sa Maguindanao.
Ayon kay Maguindanao Governor Bai Mariam Sangki-Mangudadatu, 61 na ang naitalang nasawi sa lalawigan, kung saan 17 ang nawawala kasunod ng pananalasa ng Severe Tropical Storm Paeng.
Nanawagan si Marcos sa mga opisyal ng BARMM at iba pang ahensya ng gobyerno na paigtingin ang search and rescue operations sa lalawigan gayundin ang pamamahagi ng relief sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.
Kabilang sa mga lugar na apektado ng landslide ang Barangay Kusiong sa Datu Odin Sinsuat; Barangays Maagabo, Bayanga Sur, Bayanga Norte, Kabugaw Sapad sa Matanog; at Barangay Romonggaob at Looy sa South Upi.
Bumaba sa Maguindanao ang pangulo upang pamunuan ang mga pagsisikap ng pamamahagi ng tulong ng gobyerno at tiyakin sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo na may malawak na hanay ng tulong upang tulungan silang makabangon.
End