top of page

HOSTAGE TAKER, PATAY NANG MABARIL NG ISANG KAANAK NG BIKTIMA NITO SA MARANTAO, LANAO DEL SUR

Kate Dayawan

LANAO DEL SUR - Sa report mula sa Marantao Municipal Police Station, hinostage ng trenta y uno anyos na karpentero na si Sainor Dimao Omar ang isang tatlong taong gulang na batang lalaki sa Barangay Tacub Pindolonan, Marantao, Lanao del Sur, kahapon, May 23, 2022.


Agad na rumesponde ang PNP sa pangunguna ni Acting Chief of Police, PCapt. Bobby Mario Egera..


Sa kasagsagan ng negosyasyon, sumulpot umano ang isang kaanak ng batang biktima na kinilalang si alyas abdullah at binaril at napatay nito ang hostage taker


Agad tumakas si alyas Abdullah.


Agad na nagsagawa ng follow up operation ang PNP ngunit bigo itong mahanap ng otoridad.


Bahagya namang nasugatan ang tatlong taong gulang na batang biktima na agad na isinugod sa Amai Pakpak Medical Center.


Samantala, ito naman ang sitwasyon kahapon sa Ipil, Zamboanga Sibugay kung saan makikita sa video ang isang babae na hawak-hawak ng isang lalaking may dalang baril.


Maya-maya pa…


Bumulagta na ang lalaki habang kumaripas naman ng takbo ang hinostage na babae na kinilalang si Irene Leyson matapos na barilin ng rumespondeng SWAT Team ng PNP ang suspek.


Tinamaan sa ulo ang suspek na kinilalang si Eduardo Andres na sanhi ng kanyang agarang kamatayan.


Sa report mula sa PNP, pumasok umano ng isang insurance company ang suspek. Umupo umano ito sa isang bakanteng upuan na katabi ng OIC at nanghihingi ng tulong dahil mayroon umanong gustong pumatay sa kanya.


Nang makita umano ng ahenteng si Leyson na armado ang lalaki ay naalarma ito pero hinablot na siya ng suspek, tinutukan ng dalang armas at ginagawang hostage palabas ng opisina nito.


Nang rumesponde ang PNP sa lugar, sinubukan pa umanong makiusap ng mahinahon ng otoridad dito ngunit nagmatigas lamang ang suspek. Nang makahanap na ng tiyempo ang otoridad ay dito na pinaputukan ang suspek.


Nakuha mula sa posesyon nito ang isang caliber .45 pistol


Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang PNP upang matukoy ang motibo ng suspek sa krimen.

45 views
bottom of page