
COTABATO CITY -- Sa isang sulat na ipinadala ni BARMM Interim Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim, iprinisenta nito sa Department od Energy, Department of Finance at Power Sector Assets and Liabilities Management Corporations (PSALM) ang mga hakbang na gagawin ng Bangsamoro government patungkol sa usapin ng disconnection at tuluyang pagputol sa suplay ng kuryente ng Lanao Del Sur Electric Cooperative, Inc. (LASURECO) at Maguindanao Electric Cooperative, Inc. (MAGELCO) noong June 7, 2022.
Una nang ipinag-utos ng PSALM sa National Grid Corporation of the Philippines o NGCP na i-disconnect ang LASURECO mula sa transmission/distribution network ng NGCP at ang tuluyang pagputol sa suplay ng kuryente ng MAGELCO.
Ito’y matapos na bigo umanong mabayan ng dalawang kooperatiba ang kanilang nalalabing utang sa PSALM.
Dahil dito, umapela si ICM Ebrahim na muling isaalang-alang ang kanilang iniutos sa NGCP dahil magkakaroon ito ng negatibong epekto sa political, ekonomiya at sosyal na sitwasyon sa mga nasasakupan ng LASURECO at MAGELCO maging sa Bangsamoro Autonomous Region.
Ipinaliwanag ni Ebrahim ang mga hakbang na ginagawa at kanilang gagawin sa pakikipagtulungan ng national government.
Aniya, bilang bahagi ng long-term solution, nais umano ng BARMM na makagawa ng panibagong distribution entity na sasalamin sa mga serbisyong iniaalay ng LASURECO at MAGELCO.
Maaari umano itong maisakatuparan sa loob ng transition o maaring pagkatapos ng regular Parliamentary elections sa BARMM sa taong 2025.
Ito ay alinsunod sa Section 36, Article XIII ng Bangsamoro Organic Law o BOL kung saan nakasaad dito na ang mayroon umanong otoridad ang Bangsamoro Government na gumawa ng isang panibagong entity para sa power generation and distribution, na maaaring makatulong sa dalawang nabanggit na kooperatiba.
Gumagawa na rin umano ng paraan ang BARMM upang mabigyan ng solusyon ng problema ng dalawang kooperatiba.
Noong a singko ng Mayo, nagkaroon ng pagpupulong BARMM ay National Electrification Administration kung saan napagkasunduan ng dalawang panig na iti-take over ng NEA ang MAGELCO habang magbibigay ng kinakailangang suporta sa kooperatiba ang BARMM.
Maglalagay ng project supervisor ang NEA at Acting General Manager na magmumula sa NEA.
Idi-deactivate rin ang kasalukuyang Board of Directors at papalitan ng Task Force.
Bukod dito ay magsasagawa rin ng komprehensibong audit sa MAGELCO.
Nabanggit rin ni Ebrahim na iminungkahi umano ng DOE na itake-over ng BARMM o tingnan ang operasyon ng LASURECO at MAGELCO.
Sa Facebook page ng PSALM Corporation, tanging P45.5 Million pa lamang umano ang naibabayad ng MAGELCO mula sa total bill nito na P147.2 Million para buwan ng December 2021 hanggang April 2022.
At as of April 30, 2022, ang MAGELCO ay mayroon namang outstanding balance sa gobyerno na nagkakahalaga ng P3.8 Billion.
Ang LASURECO naman ay mayroong outstanding payables sa PSALM na nagkakahalaga ng P12.9 Billion as of April 30,2022