Isa patay, 2 sugatan nang mag-amok ang isang pulis sa Koronadal City
Kate Dayawan | iNews | November 12, 2021

Courtesy: Police Regional Office 12 - Public Information Office
Cotabato City, Philippines - Kulungan ang bagsak ng isang pulis matapos na mang-amok at mamaril sa isang boarding house sa Galustak St., Barangay Zone 3, Koronadal City, kahapon, November 11.
Sinubukan pang tumakas ng suspek ngunit kalauna'y nahuli rin ng mga otoridad sa Barangay Titulok, Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Kinilala ang suspek na si Patrolman Roland Lopez, 29 anyos, miyembro ng PNP na kasalukuyang nakadestino sa 1st PMFC, South Cotabato Police Provincial Office.
Sa report ng SCPPO, pasado alas tres ng madaling araw kahapon nang makatanggap ng tawag ang Koronadal City Police Station patungkol sa isang shooting incident na naganap sa OCA Boarding House sa nasabing lugar.
Agad na rumesponde ang mga kapulisan at nang makarating sa pinangyarihan ng krimen, nadatnan na wala ng buhay ang biktimang si Charmaine Rose Canlas na nagtamo ng multiple gunshot wound habang sugatan naman ang mga biktimang sina Joana Saptula at Debie John Franco Biñas na agad na isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital.
Ipinaabot naman ni PBGen. Alexander Tagum, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang kanyang pakikiramay at simpatya sa pamilya ng mga biktima at nangakong isisilbi dito ang hustisya at kakasuhan ng administratibo, murder at double frustrated murder ang naarestong suspek.