ISALBA ANG DIGNIDAD AT RESPETO SA SARILI, PAYO NI VP SARA DUTERTE KAY WALDEN BELLO
Kate Dayawan | iNEWSPHILIPPINES

MANILA - Naging malaman ang pahayag ni Vice President Sara Duterte laban sa dating kongresista na si Walden Bello.
Aniya, sa kabila ng mga pag-atake sa kanya ni Bello noong panahon pa ng eleksyon, ni minsan ay hindi umano niya ito pinatulan dahil ito umano ang turo sa kanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ni minsan ay hindi umano naghain ng libel case ang bise presidente dahil ang katulad na kritisismo ay hindi na dapat binibigyan pa ng pansin dahil nakatatak na sa bato ang mga napagtagumpayan ng Davao City sa ilalim ng pamumuno nito.
Ayon kay Duterte, sa halip na sisihin umano siya ni Bello dahil sa pagkakakulong nito, dapat umanong isipin ni Bello ang katotohanan na ang isang sibilisaso [anong sibilisaso?] at demokratikong lipunan ay hindi nirerespeto ang hubris o mapagmalaking tao.
Aniya, hindi pinoprotektahan ng right to freedom of speech and expression ang sinuman mula sa pagdungis ng pangalan at reputasyon ng iba.
Dagdag pa ni Duterte na ang pagtawag ni Bello na "silly" sa pagkaso sa kanya ay isa umanong insulto sa mga Prosecutor sa oras at pagpupursige na iginugol ng mga ito upang itaguyod ang rule of law.
Hangad ni Duterte na sana ay hindi maging kagaya ni Bello ang mga kabataan sa kanilang paglaki na sa halip na maging isang respetadong guro at aktibista ng human rights ay nagpakita lamang ng kanyang hindi kaaya-ayang bersyon ng sarili.
Payo pa ng bise presidente kay Bello na magpokus na lamang sa pagsalba ng kanyang natitirang dignidad at self-respect. Hinihingi rin ni Duterte na tumigil na ito at wag na siyang sisihin sa kung ano at nasaan man ang kinalalagyan niya ngayon.
Si Bello ay inaresto dahil sa paglabag nito sa Revised Penal Code at ng Cybercrime Prevention Act of 2012.