Kate Dayawa | iNews | November 4, 2021
Cotabto City, Philippines - Nagbalik-loob sa gobyerno ang isang high ranking leader ng Communist Terrorist Group at pitong miyembro nito sa Old Capitol Compound, Barangay Kalawag II, Isulan, Sultan Kudarat kahapon, November 3.
Ito ay sa pamamagitan ng pinalalakas na kampanya ng Region 12 Task Force to End Local Communist Armed Conflict, Joint Task Force Central at Sultan Kudarat Provincial Police Office.
Kinilala ang sumukong lider na si alyas Simon isang Platoon Commander ng Central Musa, Guerilla Front Musa, Far South Mindanao Region.
Kasamang isinuko ng mga dating miyembro ng CTG ang limang armas na kinabibilangan ng isang 7.62mm M14 rifle, dalawang caliber .30 Garand rifle, isang Browning Automatic Rifle, isang caliber .45 pistol at dalawang homemade 12 gauge shotgun.
Ayon kay Lt. Col. Romel Valencia, Commander ng 7th Infantry Battalion, dahil sa maayos na koordinasyon at patuloy na operasyon ng gobyerno ng militar at kapulisan g Bagumbayan at Senator Ninoy Aquino Municipal Police Station, nakumbinsi ang mga dating rebelde na pagkatiwalaan ang gobyerno at magbalik-loob na.
Para sa taong ito, umabot na sa 110 na komunistang terorista ang sumuko sa Joint Task Force Central sa probinsya ng Sultan Kudarat, North at South Cotabato at maging sa ilang bahagi ng Sarangani.
Ang sunod-sunod na pagsuko ng mga dating rebelde ay naisakatuparan dahil sa suporta ng mga lokal na pamahalaan, government agencies, non-government organizations at mga miyembro ng komunidad na mas lalong nagpahina sa pwersa nv Communist Terrorist Group sa Area of Operation ng JTFC.
Pinuri naman ni MGen. Juvymax Uy, Commander ng JTFC at 6th Infantry Division, ang pagsisikap ng mga lokal na pamahalaan ng Sultan Kudarat dahil sa kanilang walang humpay na suporta sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang bayan.
