Kate Dayawan

LANAO DEL SUR - Pasado ala una ng madaling araw kahapon, May 19, binulabog ng isang pagsabog ang Barangay Tangcal sa bayan ng Tubaran, Lanao del Sur.
Agad na rumesponde ang mga otoridad upang alamin ang pinagmulan ng nasabing insidente at napag-alaman na nangyare ito 20 metro lang ang layo mula sa Political Headquarters at pamamahay ng Mayoral Candidate na si Nashif Madki.
Ayon sa PNP, matapos na magsagawan ng inisyal na imbestigasyon ang Tubaran MPS at Explosive Ordnance Disposal Team, napag-alaman na ang nasabing pagsabog ay nagmula sa isang M203 Grenade Launcher.
Maswerte naman umano at walang nasawi o nasugatan sa naturang pangyayare.
Samantala, hindi pa naman umano matukoy ng LDS PPO kung ang insidente ng pagsabog ay maituturing na isang election-related incident.
Bilang aksyon, agad na ipinag-utos ni Police Colonel Christopher W Panapan, Provincial Director, Lanao del Sur PPO ang Tubaran MPS na magsagawa ng malalimang imbestigasyon upang matukoy ang motibo at ang pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng insidente.
Bukod dito, ipinag-utos rin nito sa ng Chief of Police ng Tubaran na higpitan ang pagsasagawa ng foot and mobile patrol at checkpoint sa nasabing bayan upang maiwasan na ang pagkakaroon ng kahalintulad na pangyayare.
Sa May 24 nakatakdang isagawa ang special election sa labing dalawang barangay ng bayan ng Tubaran. Ito’ matapos na mapabilang sa ideklarang ‘failure of election’ ng Commission on Elections.
Kabilang sa labindalawang barangay sa bayan na magsasagawa ng special election ay ang Barangay Tangcal, Datumanong, Wago, Giarong, Bagulangan, Malaganding, Gadongan, Riataran, Pagalamatan, Mindamunag, Paigoday-Pinbatan at Metadicop.