ITIGIL NA ANG DAHAS

Nabawi ng militar at pulis ang ilang kagamitang pandigma mula sa lugar kung saan umigting ang bakbakan sa pagitan ng dalawang grupo sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan. Nanawgan si 6th ID at Joint Task Force Central Commander Major General Alex Rillera na itigil na ang dahas dahil ang apektado ay ang mga kawawang sibilyan.
Pumagitna na ang militar at pulis sa sigalot ng dalawang naglalabang grupo sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan.
Araw ng Linggo nang umalingaw-ngaw ang mga putok ng baril sa barangay ng Madia at Dapyawan, isang araw matapos ang Eid’l Fitr.
Ang pagsiklab ng gulo ay nagresulta sa paglikas ng maraming sibilyan sa lugar.
Araw ng Lunes, sinuyod ng 2nd Mechanized Infantry (Makasag) Battalion at 2nd Provincial Mobile Force Company ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office ang lugar ng bakbakan.
Ilang kagamitang pandigma ang nabawi ng otoridad na kinabibilangan ng isang Cal. 38 revolver, isang granada, isang magazine, isang compass, isang bandolier, isang canister ng 81mm mortar at apat na canister ng 60mm mortar na mula sa magkaalitang grupo ng 118BC at 105BC ng BIAF-MILF.
Nanawagan si 6th ID at Joint Task Force Central Commander Major General Alex Rillera na itigil na ang dahas dahil ang apektado ay ang mga kawawang sibilyan.
Ayon kay Maj. Gen. Rillera, hindi maituturing na isang kultura ang “Rido” dahil nagiging dahilan lang ito para mag-gantihan ang mga nag-aaway na grupo. Mas makabubuti aniya kung ipapaubaya sa umiiral na batas ang ano mang hindi pagkakaunawaan.
Agad din na tumugon ang Bangsamoro Risk Reduction and Management Council - Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (BARRM-READI) para makapaghatid ng tulong sa mga apektadong residente.
Isang peace dialogue naman ang isinagawa kasama ang AFP, PNP, Council of Elders, Municipal at Barangay LGU para makamit ang matibay at pangmatagalang solusyon sa problema.