JOB FAIR, BINUKSAN NG MOLE-BARMM SA COTABATO CITY

Kate Dayawan | iNews | January 19, 2022


Courtesy: Bangsamoro Government


Cotabato City, Philippines - Dinagsa ng jobseekers ang job fair na inilunsad ng Bureau of Employment, Promotion and Welfare ng Ministry of Labor and Employment sa loob ng Bangsamoro Government Center kahapon, January 18, bilang bahagi ng selebrasyon ng ikatatlong anibersaryo ng pagkakatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Magtatagal ang nasabing job fair hanggang sa Biyernes, January 21. Kabilang sa mga nakilahok na mga establishimento ay ang Citi Hardware, Savemore Supermarket, KCC Mall of Cotabato, Tiger Security Agency, Mercury Drug at marami pang iba. Ngayong araw naman ay nagbukas rin ng kahalintulad na oportunidad ang MOLE-BARMM sa Maguindanao Provincial Capitol, MOLE Marawi City and Lanao del Sur Field office. Bukas naman, January 20, ay magkakaroon din ng job fair sa Pikit Municipal Gymnasium sa Pikit, North Cotabato at ganundin sa Lamitan City Gymnasium at Datu Rizal Cultural Center sa Lamitan City, Basilan. Habang magkakaroon din ng job fair sa Santa Nina Rasul Sports Complex sa Jolo, Sulu at sa MOLE Provincial Field Office sa Bongao, Tawi-Tawi sa January 21. Isa lamang ang job fair sa mga ipinapatupad ngayon na programa ng MOLE BARMM sa pamumuno ni Minister Romeo Sema sa week-long celebration ng 3rd Founding Anniversary ng BARMM.


14 views