LIBRENG ONLINE REVIEW NG OCM-HRMD, BUKAS NA SA PUBLIKO UPANG MATULUNGAN ANG MGA KUKUHA NG EXAM
Kael Palapar

COTABATO CITY — Isa si Amir Ali Usman sa mga Contract of Service Personnel ng Ministry of Basic Higher and Technical Education ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o MBHTE-BARMM na pumasa sa Career Service Examination ng Civil Service Commission nitong Marso.
Kumpara sa ibang kumuha ng pasulit, hindi pinalampas ni Amir ang free online review ng Human Resource Management Division ng Office of the Chief Minister o OCM-HRMD.
Ang libreng online review ng OCM-HRMD ay unang inilaan para sa mga Contract of Service Personnel ng Bangsamoro Government upang matulungan silang pumasa bilang isa sa mga requirements sa permanent position.
Pero ngayon, bubuksan na ito ng OCM-HRMD sa publiko…
Ayon kay OCM-HRMD Chief Lady Hanifah Mindalano-Alonto, ang pagsasabuliko ng libreng online review sa kanilang Facebook page ay pagbibigay na rin ng daan upang matulungan ang lahat na mga nagnanais pang kumuha ng civil service exam.
Nitong Marso, nakakuha ng may pinakamataas na passing rate ang BARMM sa career service examination ng CSC.
Mula sa 321 na kumuha ng pasulit sa rehiyon, 104 or 32.40 percent ang pumasa sa pen and paper test ng CSC.
Dahil sa banta ng pandemya, 360 slot lamang ang ibinigay sa mga nagnanais kumuha ng Professional at Sub-Professional exam noong Marso.
Pero para sa CSE passer na si Hakeem Baraguir, mas mainam na paramihin pa ng CSC-BARMM ang available slots sa susunod na pasulit dahil kinailangan niya pa umanong bumayahe mula Cotabato City papuntang Marbel para lamang kumuha ng civil service exam sa Region 12.
Sa facebook post ng CSC-BARMM, inanunsiyo nito na naabot na ng kanilang tanggapan ang aprubadong bilang ng sasailalim sa pasulit sa Cotabato City sa susunod na buwan.
Dagdag pa rito, ang nakatakdang pasulit sa Hunyo dise nwebe ay eksklusibo lamang sa mga empleyado ng BARMM, City Government of Cotabato at Provincial Government of Maguindanao na kasalukuyang may hawak ng pansamantalang posisyon o Contract of Service.