Kate Dayawan

REGION 12 - Matagumpay na nakapagboto ang 3,088 na mga personnel at 341 NSU ng Police Regional Office 12 bilang mga Local Absentee Voters sa inilunsad na 3-day Local Absentee Voting (LAV) at PHRMO Old Capitol Compound, Koronadal City alinsunod sa COMELEC resolution No. 10725.
Ang Local Absentee Voting ay sistema na kung saan ang mga government officials at mga empleyado, miyembro ng AFP, PNP at media practitioners kabilang na ang mga technical at staff support nito na mga registered voters ay pinapayagang bumoto sa national positions kung saan naka-assigned ang mga ito upang gawin ang kanilang trabaho sa araw ng eleksyon, at maging sa mga media na hindi makakaboto sa mismong araw ng eleksyon dahil sa kanilang trabaho.
Kabilang sa mga personnel ng PNP Region 12 na nakapag-avail ng Local Absentee Voting ay kakatawan sa Reactionary Standby Support Force (RSSF) para sa possible augmentation at manguna sa critical incident management at disaster response at gampanan ang kanilang mga tungkulin upang makamit ang mapayapa, tapat at patas na national and local elections.
Paalala naman ni Police Brigadier General Alexander Tagum, Regional Director ng PRO 12, sa kanyang mga personnel na sa pagganap ng mga ito sa kanilang mga tungkulin sa eleksyon, nawa’y isaisip umano ng mga ito na manatiling apolitical at laging magbigay ng propisyente at mabilis na pagtugon sa 2022 National and Local Elections.
Samantala, bilang bahagi ng matinding paghahanda para sa May 9, 2022 Elections, nagsagawa ng Top Table Exercises at Contingency Planning ang Police Regional Office 12 sa pangunguna ni PBGen. Alexander Tagum, Regional Director, sa PRO 12 Conference Room, Tambler, General Santos City.
Tinalakay sa nasabing aktibidad ang iba’t ibang posibilidad na pangyayari na maaaring maganap sa araw ng eleksyon tulad na lamang ng violent dispersal, delay sa canvassing ng mga boto, disenfranchised voters at pagkasira ng vote-counting machines (VCM).
Bukod dito ay mas paiigtingin pa ng PRO 12 ang striktong pagpapatupad ng gun ban at ang pagsisikap nito na maiwasan ang vote buying at iba pang illegal poll-related activities katuwang ng Commission on Elections.