Kate Dayawan |iNEWS | September 13,2021
Cotabato City Philippines - Isinagawa sa iba’t ibang probinsya ng Bangsamoro region ang qualifying examination ng Bangsamoro Assistance for Science Education o BASE ng Ministry of Science Technology- BARMM para sa 3,256 na mga Senior High School sa rehiyon.
Sinimulan ang nasabing eksaminasyon noong August 23 hanggang September 7 na ginanap sa Department of Information and Communications Technology (DICT) Cotabato; Ibn Taimiyah sa Sultan Kudarat at Paglas National High School, Datu Paglas, Maguindanao; DICT Basilan, Midsayap, at North Cotabato, MOST Lanao Provincial Office, Pandapatan Building sa Marawi City; at sa mga tanggapan ng MOST Sulu at Tawi-Tawi.
Ang mga nabanggit na estudyante na kumuha ng eksaminasyon, ay mga nagpatala sa strand na science, technology, engineering, and mathematics o STEM at mga Non-STEM strands ngunit napabilang sa Top 5 ng kanilang graduating class. Ang BASE grant ay bahagi ng SESGA o Science Education, Scholarships, Grants and Awards Program ng MOST na naglalayong makapagbigay ng scholarship program sa mga nararapat na mga estudyante na may matataas na marka.
Mula sa 3,256 na mga estudyante, 188 dito ang pinalad na matulungan ng ministeryo at makakatanggap ng Php7,520,000.00 para sa unang semester ng school year 2021 – 2022.
Nakatakdang ilabas sa ikatlong linggo ng Setyembre 2021 ang resulta ng qualifying examination at ipo-post ito sa Facebook page at website ng MOST. Lahat ng eligible awardees ay makakatanggap ng cash assistance na Php8,000.00 mula sa BASE grants ng MOST.
