Fiona Fernandez I iMINDSPHILIPPINES

Tinalakay ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at ng kanyang Gabinete kahapon ng Martes ang mga plano ng administrasyon na paunlarin at i-upgrade ang maritime at aviation industries.
Photo courtesy : RTVM
Sa Facebook post, sinabi ng Office of the Press Secretary (OPS) na ang pagpapabuti ng dalawang sektor ang nangunguna sa agenda ng 11th Cabinet meeting.
Sa pulong ng Gabinete, iniutos ni Marcos ang pagbuo ng isang maritime industry development plan upang mapabuti ang maritime sector.
Binigyang-diin din ni Marcos, ang pangangailangang i-upgrade ang mga daungan ng bansa para ma-accommodate ang mas maraming cruise ship at mapalakas ang industriya ng turismo.
Inatasan din ni Marcos ang Maritime Industry Authority (MARINA) na tugunan ang mga hamon sa kalidad ng maritime education at training sa bansa.
Samantala, inutusan din ni Marcos ang DOTr na i-upgrade ang paliparan ng Maynila para ma-accommodate ang mas maraming flight at pasahero.
Kaugnay dito, target ng DOTr na makumpleto ang PHP1 trilyong halaga ng mga proyekto sa paliparan sa 2023.
Kabilang sa mga proyekto ang pagtatayo at rehabilitasyon ng Antique Airport, Bacolod-Silay Airport, Catbalogan Airport, Davao International Airport, M'lang Airport, Ozamiz Airport, San Vicente Airport, Sanga-Sanga Airport sa Tawi-Tawi, Tacloban Airport, at Tuguegarao Airport.
Ang mga paliparan sa Bacolod, Bicol, Bohol, Busuanga, Davao, Iloilo, Kalibo, Laguindingan, Puerto Princesa, at Siargao ay maa-upgrade, palalawakin, at mapapatakbo sa ilalim ng public-private partnership scheme.
Apat na bagong regional airports din ang itatayo sa Dumaguete, Masbate, Siargao, at Zamboanga.
Gagamitin din ng DOTr ang Pasig River Ferry System bilang alternatibong transportasyon para sa mga commuters.
Ang Maritime Safety Enhancement Project, na naglalayong gawing moderno at palakasin ang Philippine Coast Guard, ay magpapatuloy din upang matiyak ang kaligtasan at seguridad sa karagatan ng bansa.
End.