top of page

MAS MARAMING INFRA PROJECTS, PANGAKO NI PBBM NA ITATAYO SA BANSA

FIONA FERNANDEZ I iMINDSPHILIPPINES


Naniniwala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na utang ng gobyerno sa sambayanang Pilipino ang magtayo ng mga pangunahing kalsada at ibang imprastraktura na mag-uudyok sa pag-unlad at pagbabago sa lipunan, magtataguyod ng interconnectivity, at magpapagaan ng trapiko .

Photo courtesy: RTVM


Sinabi niya ito matapos niyang masaksihan noong Huwebes ang paglagda sa dalawang kontrata kaugnay sa apat na istasyon ng Metro Manila Subway-Contract Packages 102 (CP102) at 103 (CP103).


Sa kanyang pahayag, titiyakin umano nito sa publiko, partikular sa mga commuters, na sisikapin ng gobyerno na makapagbigay ng mas mahusay na sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa.


Hinimok din niya ang Department of Transportation (DOTr) na tiyakin ang maayos at tapat na pagpapatupad ng lahat ng subway projects na isinasagawa.


Samantala, pinasalamatan ni Marcos ang Japan sa pakikipagtulungan sa Pilipinas.


Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa Japan International Cooperation Agency (JICA) sa pagbibigay ng suportang pinansyal para sa pagpapatupad ng CP102 at CP103.


Kinilala din niya ang Nishimatsu-DMCI Joint Venture at Sumitomo Mitsui Construction para sa pakikipagtulungan sa pagtiyak na makumpleto ang mga kontrata.


Ang CP102, na may kabuuang halaga ng kontrata na humigit-kumulang PHP21 bilyon, ay iginawad sa joint venture ng Nishimatsu Construction Co., Ltd. at D.M. Consunji Inc (DMCI), habang ang CP103 na may kabuuang halaga ng kontrata na humigit-kumulang PHP28 bilyon ay iginawad sa Sumitomo Mitsui Construction Co., Ltd.


Kasama sa CP102 ang pagtatayo ng Quezon Avenue Station (na matatagpuan sa loob ng dating Manila Seedling Bank, EDSA corner Quezon Avenue) at ng East Avenue Station (sa kahabaan ng V. Luna Avenue), kasama ang connecting tunnels.


Kasama sa CP103 ang pagtatayo ng Anonas Station (sa Barangay Project 4, Quezon City) at Camp Aguinaldo Station (sa loob ng Camp Aguinaldo), kasama ang mga nagdudugtong na tunnel. Ang istasyon ng subway ng Anonas ay magkakabit sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) Anonas Station.


Samantala, binigyang diin ni Marcos na umaasa siya na ang mga subway project ay hindi lamang magpapagaan sa daloy ng mga tao, kalakal, at serbisyo sa Metro Manila kundi magkakaroon din ng mga trabaho at oportunidad para sa mga Pilipino.


Ang proyekto ay inaasahang makikinabang sa mahigit kalahating milyong pasahero kada araw mula sa hilaga ng Valenzuela City hanggang sa timog ng Parañaque City.


End

0 views
bottom of page