top of page

Mass Rido Settlement, isinagawa sa Buldon, Maguindanao

Kate Dayawan | iNEWS | September 23, 2021


Cotabato City, Philippines - Maayos na napagkasundo ng lokal na pamahalaan ng Buldon sa pamumuno ni Mayor Abolais Manalao ang anim na mga prominenting pamilya na may matagal nang alitan sa bayan sa pamamagitan ng mass rido settlement noong araw ng Lunes, September 21.


Ang nasabing programa ay pinangasiwaan ng lokal na pamahalaan ng Buldon sa tulong ng Ministry of Public Order and Safety - BARMM, 1st Marine Brigade at Maguindanao Provincial Government sa pamamagitan ng Peace Meruit and Iranun Reconciliation Council.


Ang rido ay isang conflict o gulo sa pagitan ng clan, pamilya o kinship.


Nagdudulot ito ng kaguluhan sa komunidad.


Nagpapasalamat si Mayor Manalao sa mga pamilya at sa mga security partner sa pagdalo upang maresolba na ang matagal nang hindi pagkakasundo sa komunidad.


Nagpahayag din ito ng pasasalamat sa MPOS-BARMM dahil sa walang humpay nitong suporta.


Isa sa mga dumalo si MPOS Deputy Minister at Base Commander ng MILF Iranun Cluster Abubacar Balitoc upang masaksihan nito ang makasaysayang mass rido settlement.


Sa kanyang mensahe, sinabi nito na maghahatid pang matagalang kapayapaan, seguridad at paglago ng ekonomiya sa Iranun community sa Buldon, Maguindanao.


Sa nasabing programa, apat na armas na may mga bala ang isinuko ng anim na pamilya sa 1st Marine Brigade para sa safekeeping.


Nanumpa rin ang mga ito sa Banal na Quran at lumagda sa isang kasunduan.


Bahagi ng mandato ng MPOS-BARMM ang Rido Settlement program sa layuning mapanatili ang kapayapaan at seguridad ng publiko sa rehiyon.




15 views
bottom of page