Kate Dayawan | iNEWS | September 22, 2021
Cotabato City, Philippines - Araw ng Linggo nang pumalo sa 1,013 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Zamboanga City.
Kaya muling ipinag-utos ni Mayor Beng Climaco na itaas muli ang alarma sa lugar at nanawagan sa kanyang mga kababayan na mahigpit na sundin ang pag-obserba sa minimum public health standards.
Hinikayat rin nito ang publiko na magpabakuna na lalo na sa mga hindi pa nakatanggap ng unang dose ng bakuna kontra COVID-19.
Sa 1,013 na bilang ng aktibong kaso, 986 dito ang community transmissions at 25 authorized persons outside residence (APOR), dahil dito pumalo sa 15.94% ang alarming seven-day positivity rate sa lungsod.
Ayon kay Climaco, nakakabahala ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa syudad kahit na ginagawa na ng lokal na pamahalaan ang lahat upang mabawasan lamang ang impeksyon sa lugar.
Kinakailangan umano ng gobyerno ang suporta at kooperasyon ng publiko dahil hindi kayang labanang mag-isa ng gobyerno ang coronavirus. Ito ay sa pamamagitan umano ng pagsusuot ng face masks at face shields, social distancing at movement restrictions para sa mga non-essential.
Dagdag pa nito, ipinatupad na umano ng LGU ang granular lockdowns sa mga lugar at komunidad na may mga kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Nakapaghatid na rin umano ng mga essential goods ang LGU sa mga apektadong pamilya sa pamamagitan ng mga kawani ng barangay at iba pang frontliners.
Isa rin sa mga tugon ng City Government ang pagkakaroon ng isolation facility na may mahigit 2,500-bed capacity at ang pagsisiguro ng syudad na sapat ang suplay ng mga medical oxygen tanks.

Photo by: City Government of Zamboanga