Kael Palapar

COTABATO CITY - Hindi pa man umuupo sa pwesto si Cotabato City mayor-elect Bruce Matabalao, pero aniya, nakakatanggap na umano ito ng impormasyon hinggil sa mga pangingikil o extortion sa ilang establisyemento sa lungsod.
Sa Facebook post ni Matabalao, siniwalat nito na nakarating na umano sa kanyang kaalaman na may mga indibidwal o grupo na tumatawag sa ilang negosyante upang manghingi ng pera na may kasamang pananakot.

Aniya, maaring nagsisimula nang gumawa ng masama ang mga nasa likod ng pangingikil laban sa kanyang administrasyon kahit pa hindi pa ito nag-sisimula.
Giit ni Matabalao na sa oras na maka-upo ito sa pwesto, gagawin aniya nito ang lahat upang hindi magtagumpay ang anumang masasamang balak ng sinuman o alinmang grupo sa mga negosyante sa lungsod.
Dagdag pa nito na ang isyu ay umabot na umano ito sa mga lider sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ginagawan na rin ng hakbang upang matukoy ang nasa likod ng pangingikil.
Hinihikayat nito ang mga biktima na nakakatanggap ng pangingikil o extortion na may kasamang pananakot na huwag bigyan ng anuman sa mga taong nasa likod nito.
Paki-usap naman ni Matabalao sa mga negosyante at establisyementong nakakatangap ng pangingikil na huwag umanong matakot mag-report sa kinauukulan upang ma-set up at mahuli ang mga salarin.