Kate Dayawan | iNEWS | October 13, 2021
Cotabato City, Philippines - Itinanggi ng City Government ng Zamboanga ang aligasyon na di umano’y gawa lamang sa mga bulok na materyales ang itinayong Mega Isolation Facility na matatagpuan sa ZamboEcozone.
Ayon sa City LGU, gawa sa modular van type design ang bawat isolation room, taliwas ito sa pahayag na di umano’y ilan sa mga ito ay container vans.
Sa modular van type design, kinakailangan ng metal partitions upang magkaroon ng styrophor sa gitna na magsisilbi bilang isang insulator.
Hindi umano totoo ang mga kumakalat na litrato na nagsasaad ng kasalukuyang status ng konstruksyon sa lugar. Ang totoo umano ay ang mga nakitang litrato ay mga waste material na nananatiling nasa account ng contractor dahil hindi pa naman naiiturn-over ang nasabing proyekto.
Umaga noong Lunes nang magsagawa ng ocular inspection si City Engineer Christopher Navarro at siniguro nito nab ago pa man tatanggapin ng City Government ang Mega Isolation Project, itatama nito ang anumang kakulangan na maaaring lumitaw.
Ang nasabing isolation facility ay nilagyan rin ng generator at tangke ng tubig upang masigurong mayroong kuryente at suplay ng tubig sa lugar.
Sinisiguro naman ng City Government sa publiko na magiging kumportableng lugar ang Mega Isolation Facility na kumpleto sa basic amenities para sa kaginhawaan ng kung sinuman ang gagamit nito.
