Kael Palapar

MAGUINDANAO - Mula Barangay Poblacion Dalican sa Datu Odin Sinsuat patungong Poblacion 1 sa bayan ng Parang sa Maguidanao--
walang pinalampas na mga campaign posters at iba pang mga election materials na nakasabit sa mga puno at iba pang lugar na nakakasira sa kapaligiran ang Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy o MENRE ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM sa pakikipagtulungan sa Office of the Provincial Election Supervisor ng Maguindanao.
Kabilang sa mga inalis ang mga campaign materials na hindi akma sa itinakdang sukat o ikinabit sa mga hindi designated common poster areas ng COMELEC.
Nanawagan ang MENRE-BARMM at Office of the Provincial Election Supervisor ng Maguindanao na ang pagputol o pananakit ng mga puno sa pamamagitan ng pagpapaskil o pagpapako ng mga campaign materials ay paglabag sa batas.
Sa ilalim ng Republic Act 3571, ipinagbabawal ang pagputol, pagsira, o pananakit ng mga nakatanim o lumalaking puno, mga namumulaklak na halaman at mga palumpong o mga halaman na may scenic value sa mga pampublikong kalsada, plaza, parke, paaralan, o sa anumang pampublikong lugar.
Makukulong naman ang mga mahuhuling lalabag alinsunod sa Section 3 ng Presidential Decree 953 ng anim na buwan hanggang dalawang taon o pagmumultahin ng hindi baba sa PHP500 at hindi hihigit sa PHP5,000.