Amor Sending | iNews | January 11, 2022

Cotabato City, Philippines - Hindi huhulihin, kundi papauwiin lamang ang mga indibidwal na naaktuhang nasa labas na hindi pa nababakunahan, iyan ang nilinaw ni DILG Secretary Eduardo Año nitong lunes-
kaugnay sa gagawing paglimita sa kilos ng mga hindi pa bakunado dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Aniya, “ang mga barangay Kapitan at mga Pulis ay magsasagawa ng mga checkpoint, at kung sakaling maaktuhan ang mga hindi bakunado sa labas, sila ay papauwiin lamang. Ngunit kung magmamatigas ay sapilitan itong iuuwi.”
Dagdag nito, na "last resort" na lamang ang pag-aresto kung ang isang tao ay hindi sumunod sa Batas.
Sinabi rin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaaring arestuhin ng awtoridad ang isang tao kung manlalaban na siya sa "persons in authority."
Nagbabala rin si Año sa mga mahuhulihan ng mga pekeng vaccination cards para makalabas ng bahay.
Matatandaan na sinabi ng Malacañang noong Biyernes, na ang "stay at home" order ni Pangulong Rodrigo Duterte para mga taong hindi pa nabakunahan laban sa COVID-19 ay PARA SA lahat ng lugar sa bansa anu man ang COVID-19 alert level status nito.
Una ng inatasan ng Pangulo nitong Huwebes ang mga barangay official na panatilihin sa mga bahay ang mga hindi pa bakunado para hindi mahawa ng COVID-19.