MGA KWALIPIKADONG MIYEMBRO NG MILF AT MNLF, DUMAGSA SA PRO BAR UPANG MAG-REVIEW PARA SA SQEE
Kate Dayawan

COTABATO CITY — Umaga pa lang ay nakapila na sa labas ng headquarters ng Police Regional Office BAR ang mga kwalipikadong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front na nagnanais na maging miyembro ng PNP.
Ito’y para sa isasagawang review na itinakda ng PRO BAR para sa mga kukuha ng NAPOLCOM Special Qualifying Eligilibity Examination na gaganapin sa ika-abente nuwebe ng Mayo taong 2022.
Bukod sa headquarters ng PRO BAR, isinasagawa rin ang kahalintulad na review sa iba’t ibang paaralan sa bayan ng Parang.
Ito ay kinabibilangan ito ng Making Elementary School, Central Pilot Elementary School, Parang Elementary School, Mac-Ale Memorial Elementary School at Amir Bara Lidasan National High School.
Bago naman makasali sa inihandog na review, may ilang paalala ang PRO BAR sa mga MILF at MNLF members.
Una, kapag walang admission slip ay hindi makakapasok ang mga ito sa mga nasabing review center, kinakailangan rin na nakasuot ng T-Shirt na puti ang mga ito, pantalon at sapatos bilang uniporme, kinakailangan rin na sumunod sa mga patakaran sa loob ng kampo ang mga ito, dapat ay nasusunod ang minimum health protocol at bawal ipasok o iparada ang sasakyan ng mga ito sa loob ng kampo.
Nakatakdang isagawa ang Napolcom Special Qualifying Eligibility Examination (NSQEE) para sa MILF at MNLF members sa May 29 dito sa Cotabato City.
Bukas ang pasulit sa 11 thousand interesadong aplikante ng MNLF at MILF.
5,060 na papasa sa pasulit ang unang sasabak sa training bago maging ganap na miyembro ng PNP.