Kate Dayawan | iNEWS | November 30, 2021

Photo courtesy : MP Hussein Muñoz
Cotabato City, Philippines - Nagtipon-tipon ang mga miyembro ng United Bangsamoro Justice Party mula sa Davao region sa Mahad Panabo Al-Islamie, Barangay Datu Abdul, Panabo City.
Nanumpa ang mga ito sa kanilang tungkulin bilang mga provincial officer ng UBJP sa Eastern Mindanao at upang ipakita ang kanilang suporta sa nasabing partido.
Dumalo sa isinagawang mass oathtaking ang Secretary-General ng UBJP at Executive Secretary ng Bangsamoro Government na si MENRE Minister Abdulraof Macacua kasama ang Deputy Secretary-General at Tagapagsalita ng Bangsamoro Government na si MILG Minister Atty. Naguib Sinarimbo at Eastern Mindanao Vice President at MPOS Minister Hussein Muñoz.
Kabilang sa mga nanumpang opisyal ay ang Provincial at Municipal Chief Executive Officers ng nasabing rehiyon.
Sinabi ni Minister Macacua, ang bagong tatag na political party ng Moro Islamic Liberation Front ay hindi magiging isang traditional political party kundi ito ay isang partido na mayroong ideolohiya at plataporma para sa mamamayang Bangsamoro.
Iniisa-isa rin nito ang limang political platforms ng UBJP na kakaiba mula sa ibang political parties. Una na rito ay dapat na ang patakbuhin at pangasiwaan ng Bangsamoro para sa mamamayang Bangsamoro; Ito rin ay dapat na maging makatao at inclusive; mayroon din itong standards ng pagdidisiplina; mayroon din dapat itong human resources sa lahat ng uri ng assets at kinakailangan na ito ay service-oriented.
Ayon naman kay Minister Atty. Sinarimbo, ang pagnanais ng mga lokal na opisyal na mapabilang sa UBJP ay isang indikasyon na malakas ang nasabing partido.
Ang UBJP ay inorganisa ng MILF noong 2014 upang maging paraan sa pagtakbo sa mga susunod na eleksyon. Taong 2015 nang pormal na itong maging rehistrado sa Commission on Elections o Comelec.