top of page

NATIONWIDE GUN BAN, IPINATUTUPAD NA!

Amor Sending | iNews | January 10, 2022

Photo Courtest: PNP


Cotabato City, Philippines - Sa opisyal na pagsisimula ng election period sa buong bansa,

Inanunsyo ng Philippine National Police na sinimulan na rin nilang ipatupad ang nationwide gunban mula January 9 hanggang June 8, 2022, kaya naman kabi-kabilang check points ang inilatag sa buong bansa.


Sa ilalim ng COMELEC RESOLUTION NO. 10728, sinuspinde ng PNP ang validity ng lahat ng inilabas na Permits to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) sa licensed firearm holders, juridical entities, at mga miyembro ng law enforcement agencies.


Tanging ang mga lehitimong pulis, sundalo at miyembro ng law enforcement agencies na nakasuot ng kumpletong uniporme at naka-duty ang papayagang magdala ng armas sa panahon ng election period.


Sa ilalim ng naturang resolusyon, suspendido ang lahat ng pribilehiyong ibinibigay ng PTCFOR sa kasagsagan ng election period, MALIBAN sa mga nakakuha ng kanilang valid Certificate of Authority mula sa Commission on Elections Committee on Ban on Firearms and Security Concerns.


Bukod dito, suspendido rin ang mga permit na inilalabas ng pambansang pulisya para magdala ng armas, bala, pampasabog, public firearms display at exhibits, at maging ang employment ng security personnel para sa mga tinatawag na ‘VIP’.


Ayon kay, Police Gen. Dionardo Carlos, hepe ng PNP, halos dalawang libong checkpoints ang inilatag na pinamamahalaan ng mahigit 14,000 na tauhan ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Commission on Elections (Comelec) upang ipatupad ang resolusyon ng poll body na nagbabawal sa pagdadala at paghahatid ng mga baril at iba pang nakamamatay na armas sa kasagsagan ng election period.


Sinumang lumabag ay papatawan ng parusang pagkakakulong ng hindi bababa sa isang taon ngunit hindi hihigit sa anim na taon at sasailalim sa probation.


Dagdag ng opisyal na "Bukod sa gun ban, ipapatupad din ng mga unipormadong tauhan na namamahala sa mga checkpoint ang COVID-19 health protocols"

Hinikayat din ng pambansang pulisya ang publiko na maging mapagmatyag sa lahat ng oras para maiwasan ang pananamantala sa election period.

5 views
bottom of page