Amor Sending | iNews | January 6, 2022

Cotabato City, Philippines - Sa Talk to the People ni Pangulong Duterte noong Martes ng gabi, inirekomenda ng ilang opisyal ng Gobyerno na palawakin sa buong bansa ang mobility restrictions na ipinataw ng Metro Manila sa mga taong hindi pa nakakakumpleto ng kanilang pagbabakuna sa COVID-19.
Gusto ng mga opisyal ng Inter-Agency Task Force (IATF) na sundin ng ibang local government unit (LGU) ang ginawa ng Metro Manila Council (MMC) na paglimita sa galaw ng mga hindi bakunado maliban kung "essential" na lakad.
Hindi agad sumagot si Pangulong Duterte sa rekomendasyon.
Ayon sa tagapagsalita ng Pangulo na si Karlo Nograles,
Magiging "posible" itong paksa sa pulong ng inter-agency task force on COVID-19 na gaganapin sa Huwebes.
Sinabi naman ni Metropolitan Manila Development Authority chairman Benhur Abalos nitong Martes, na Ipapataw lamang ang mobility restriction para sa mga hindi nabakunahan sa capital region habang nasa ilalim ng COVID-19 Alert Leverl 3.
Dagdag pa nya na ito'y pansamantala lamang habang patuloy na lumulobo ang kaso ng COVID-19 ngayon.
Aniya, paraan ito para maprotektahan ang mga hindi bakunado laban sa COVID-19 at maiwasang mapuno ang mga ospital.
Sinabi naman ng Commission on Human Rights noong Lunes na mayroong "wastong mga katwiran" sa pagpigil sa kalayaan sa paggalaw, "lalo na sa panahon ng mga national emergency, tulad ng kasalukuyang pandemya."
Ngunit idiniin nito na ang patakarang ito "ay dapat na legal, kinakailangan, proporsyonal, at walang diskriminasyon gaya ng nakadetalye sa ilalim ng Siracusa Principles."
Hinimok naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang mga Alkalde ng Metro Manila na magsagawa ng mass testing sa halip na higpitan ang paggalaw ng mga hindi pa nabakunahan.
Dahil hindi umano sapat ang No Vaxx, No Labas policy dahil kahit ang mga nabakunahan ay pupwede ring maging carrier ng virus at magpositibo sa sakit.