Joy Fernandez | iNEWS | December 13, 2021

Photo courtesy : PGC
Cotabato City, Philippines - Hanggang ngayon ay wala pa ring naitatalang kaso ng Omicron Variant ng Covid-19 sa Pilipinas...
Subalit pinapamadali na ng Philippine Genome Center ang pagpasa sa kanila ng mga samples mula sa mga laboratoryong accredited ng Department of Health.
Ang PGC ang bukod tanging nakakapag-sequence ng mga sample sa bansa nang mahigit 700 sample kada linggo. Kaya pa nitong mapaabot ng hanggang 1,500 samples kada linggo dahil na rin sa dagdag na pondo mula sa Pamahalaan.
Subalit ayon sa PGC ay kulang pa rin minsan ang mga samples na nakakarating sa kanila.
Sa pahayag ni Dr. Cynthia Saloma, executive director ng Philippine Genome Center, importanteng maisumite sa kanila agad-agad ang mga samples. Kung magpositibo man ang RT-PCR result ng isang tao, dapat ay maipadala na agad sa kanila sapagkat nagdudulot lamang ito ng delay sa pagtukoy sa Omicron Variant kung naka-tengga lamang ang mga samples.
Dagdag rin ni Dr. Saloma na kung mapipigilan pa ang pagpasok ng Omicron Variant sa bansa, ay mas mabibigyan pa sila ng mahabang panahon upang ma-obserbahan ang sitwasyon sa South Africa at sa iba pang mga bansa.
Sa datos ng PGC, 99.9 porsyento ng mga nasuri nilang samples ang nakitaan ng delta variant.
Inaasahan ngayon PGC na posibleng ma-detect ang omicron variant sa mga darating na araw o linggo.