P13.6 Million na halaga ng shabu, nasabat ng PDEA-BARMM mula sa isang Barangay Kagawad at 2 babae
Kate Dayawan | iNEWS | December 6, 2021

Photo courtesy : PDEA BARMM
Cotabato City, Philippines - Kulungan ang bagsak ng isang barangay kagawad at dalawang babae na kasama nito matapos na mahuli sa entrapment operation ng Philippine Drug Enforcement Agency - BARMM sa Barangay KM2, Indanan, Sulu umaga noong Sabado, December 4.
Kinilala ang mga suspek sa pangalang Ben, 48 anyos, isang barangay kagawad at sina Murida, 30 anyos at Elwina, 24 anyos.
Ayon sa report mula sa PDEA-BARMM, ang mga nahuling suspek ang nagsusuplay ng iligal na droga sa mga kalapit-bayan ng Sulum
Nakumpiska mula sa operasyon ang mahigit kumulang dalawang kilo ng pinaniniwalaang shabu na may estimated market value na 13,600,000 pesos.
Bukod pa rito ay nakuha rin ang buy-bust money, dalawang cellphone, isang brown paper bag, isang sling bag at isang yunit ng Toyota Jeep.
Naisakatuparan ang operasyon ng PDEA-BARMM sa tulong ng PDEA Regional Office IX, iba't ibang unit ng PNP at 4th Marine Brigade.
Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kahaharaping kaso ng mga suspek na sa ngayon ay nakapiit na sa Indanan Municipal Police Station.