Kate Dayawan | iNEWS | December 1, 2021

Photo courtesy : Sultan Kudarat Police Provincial Office - PRO 12
Cotabato City, Philippines - Abot sa labing isang libo na fully grown marijuana plants ang binunot sa inilunsad na Law Enforcement Operation against illegal drugs sa Sitio Smacol Basag, Barangay Sinapulan, Columbio, Sultan Kudarat pasado alas singko ng umaga kahapon, November 30.
Pinagtulungang bunutin ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency 12 RSET, PDEA Sultan Kudarat Regional Intelligence Division 12 Tracker Team Delta, 1st Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company, Columbio Municipal Police Station Municipal Drug Enforcement Unit at 39th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines ang mahigit kumulang 2,200,000 pesos na halaga ng Marijuana.
Bigo namang maaresto ng operating units ang cultivator na si alyas Virgel dahil wala ito sa lugar nang maganap ang operasyon. Hindi man ito nahuli, ihahanda pa rin dito ang kaso sa paglabag sa section 16, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, agad namang sinunog ng operating units ang mga nabunot na halaman na sinaksihan naman ng punong barangay at media personnel.
Nakatakda naman itong iturn-over sa Provincial Crime Laboratory Office, Isulan, Sultan Kudarat para sa laboratory examination.
Pinuri naman ng pamunuan ng Sultan Kudarat Police Provincial Office sa ilalim ng pamumuno ni PCol. Tom Tuzon ang pagsisikap ng operating team bilang pagsuporta sa anti-illegal drug operation ng PNP.
Ani Tuzon, sisikapin nito na mapasakamay ang mga may pakana ng pangangalaga ng marijuana plants sa lugar.