Kate Dayawan | iNEWS Phils | March 15, 2022

Photo courtesy : PCADG Region 12
Cotabato City, Philippines - Sako-sakong sigarilyo ang nasabat ng Police Station 6 ng General Santos City Police Office (GSCPO) sa Phase B, GSC Public Market, Barangay Dadiangas South, General Santos City noong Biyernes, March 11.
Sa report mula sa Police Regional Office 12, agad tinungo ng otoridad ang lugar matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa mga ibinababang kontrabando at ng malapit na umano sila sa lugar ay agad na kumaripas ng takbo ang mga trabahanteng nagbababa nito.
Nakumpiska mula sa lugar ang 160 reams ng Gudang Baru cigarettes, 800 reams ng alleged counterfeit ng Famous menthol cigarettes, 300 reams ng Wilson American blend cigarettes at 200 reams ng Fort menthol cigarettes na sa kabuuan ay umaabot ng 420,000 pesos.
Base sa impormasyon, isang nagngangalang Jomeng umano ang may-ari ng mga nakumpiskang sigarilyo na residente ng Barangay Labangal, General Santos City.
Agad namang dinala sa City Intelligence Unit (CIU) ang mga nakumpiskang kontrabando para sa temporary custody at proper disposition.
End.