Kate Dayawan

GENERAL SANTOS CITY - Sa bisa ng search warrant, napasok ng pinagsanib na pwersa ng mga PNP units ang pamamahay nina Dick Bulaong Damasco at Cristina M. Damasco dahil sa di umano’y paglabag ng mga ito sa Section 40 ng RA 11592 o “LPG Industry Regulation Act” sa Purok Mauswagon, Barangay Labangal, General Santos City noong Biyernes, April 29.
Sa pagpasok ng operatiba, tanging ang lalaki lamang na si Robert Domingo Andong ang kanilang naabutan sa lugar.
Tumambad naman sa kanila ang iba’t ibang cylinder tanks ng Prycegas at iba pang kagamitan na ginagamit sa illegal decantation at produksyon ng LPG na tinatayang aabot sa limang milyong piso.
Upang maitaguyod ang quality standard ng mga produkto at mapanatili ang right of end-users sa rehiyon dose, kinumpiska ng operatiba ang mga nasabing tangke at dinala sa Prycegas storage/warehouse General Santos City.
Ito ay bilang pag-iingat na rin sa insidenteng posible nitong maidulot at para na rin sa safekeeping habang ang naaresto namang indibidwal na si Andong ay isinailalim muna sa medical examination sa Dr. Jorge P. Royeca Hospital bago ipinasok sa custodial facility ng Police Station 2 ng General Santos City Police Office.
Pinuri naman ni Police Brigadier General Alexander Tagum, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang mga operatiba sa likod ng matagumpay na operasyon na ito. Aniya, ang kanilang pagsisikap at dedikasyon na mapanatili ang public safety at kaayusan sa rehiyon lalo na sa pagtugis sa mga criminal na patuloy na gumagawa ng iligal ay lubos na pinahahalagahan ng kanilang organisasyon.