Pagtatanggal sa kultura ng kotong, prayoridad ni Senador Ping Lacson sakaling manalong Pangulo

iNEWS | December 1, 2021


Cotabato City, Philippines - Ito ang isa sa mga nagawa na ni Lacson nang kanyang pinamunuan ang Philippine National Police mula 1999 hanggang 2001, kung saan nilinis nya ang kapulisan at binuwag ang kotong culture.


Aniya, sa kanyang panunungkulan bilang PNP Chief, kahit kailan ay di niya pinalampas ang korapsyon at pangingikil ng mga abusadong pulis.


Bago niya pamunuan ang PNP, talamak na ang kotong sa kalsada kung saan nakasanayan na ng mga drayber at manininda na magtabi ng P1,000 bilang lagay sa mga kotong cops.


Kwento ni Lacson, nang ipinatupad niya ang "no-take policy," umabot ito sa punto na hindi na tumatanggap ang mga pulis ng suhol mula sa mga nahuhuli nilang lumalabag ng batas trapiko.


Para kay Lacson, na tumatayong presidential standard-bearer ng Partido Reporma, ang pagbuwag sa kotong ay kanyang naging misyon bilang pag-alala sa kanyang amang jeepney driver na madalas noon na nabibiktima ng kotong cops. Ito ang nag-impluwensya sa kanya na alisin ang kultura ng kotong sa hanay ng kapulisan.


Ang pagtanggal ni Lacson sa kotong culture at pagpapatupad ng iba pang reporma sa PNP ay umani ng mataas na approval ratings mula sa publiko at nagpabalik ng tiwala sa kapulisan.


6 views