Kate Dayawan | iNEWS Phils | March 21, 2022

Cotabato City, Phils - Agad na nagsagawa ng case conference ang Criminal Investigation and Detection Group – FU BAR, Regional Intelligence Unit, Joint Task Force Kutawato at Cotabato City Police Office hapon noong Sabado upang pag-usapan ang lahat ng mga posibleng anggulo sa pamamaril-patay kay City Public Safety Officer Retired Colonel Rolen Balquin.
Sa report mula sa Cotabato City PNP, dadalo lamang sana ang mga biktima sa soft opening ng isang teahouse sa Sinsuat Avenue, Mother Barangay Rosary Heights, Cotabato City, araw ng sabado. Base sa imbestigasyon ng Cotabato City PNP, nang makarating na sa tapat ng establishimento, nilapitan ito ng isang gunman at saka pinagbabaril ng malapitan at pagkatapos ay naglakad patungo sa naghihintay na motosiklo saka tumakas ang salarin
Agad namang naisugod sa ospital ang mga biktima ngunit idineklara nang dead-on-arrival si Col. Balquin habang lubha namang nasugatan ang driver nito na isang pulis na nakatalaga sa City Investigation Unit.
Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang sampung fired cartridge cases ng caliber .45 habang tatlong fired bullet at isang cartridge case naman ang narekober sa loob ng sasakyan ng mga biktima.
Sa ngayon ay hinihintay ng mga imbestigador ang pahayag ng nakaligtas ng pulis upang matukoy ang posibleng pagkakakilanlan ng resopnsable sa krimen.
Habang tinitingnan naman ng ibang imbestigador ang kuha ng nasabing insidente sa mga CCTV camera na nakalagay sa mga establishimento sa lugar.
Samantala, mariin namang kinokondena ni City Mayor Atty. Frances Cynthia Guiani-Sayadi ang brutal na pagpatay kay Col. Balquin. Aniya, sisiguraduhin niya umanong hahanapin ng mga otoridad ang mga may gawa ng nasabing krimen at hindi umano sila titigil hangga’t hindi ito mapanagot sa krimeng ginawa.
Pansamantalang, nakalagak ngayon sa People’s Palace ang mga labi ng namayapang City Public Safety Officer.
End.