Panibagong kaso ng Delta Variant ng Covid-19, naitala sa Lungsod ng Zamboanga!
Kate Dayawan | iNEWS | September 8, 2021
Cotabato City, Philippines - Isa na namang panibagong kaso ng Delta variant ng COVID-19 ang na-detect sa lungsod ng Zamboanga.
Ito ang inanunsyo ni City Health Officer Dr. Dulce Amor Miravite araw ng Martes, September 7.
Ngunit paglilinaw ng doktora na hindi residente ng lungsod ang nasabing pasyente.
Araw ng Linggo nang inilabas na ang test result ng biktima mula sa Philippine Genome Center.
Sinabi ni Miravite na ang kwarentay anyos na lalaki na driver ng essential services ay nagpositibo umano sa random rapid antigen test noong August 11 sa Licomo checkpoint na border ng Zamboanga del Sur at siyang entry point ng land transportation mula sa Cagayan de Oro City.
Natapos na umano ng pasyente ang isolation period nito sa local government-owned isolation facility.
Simula noong buwan ng Hulyo taong 2021, ito na umano ang ikapitong kaso ng Delta variant sa lungsod.
