top of page

PBBM, NANAWAGAN NG PAGKAKAIS NG MGA BANSA SA PAGTUGON SA CLIMATE CHANGE

Fiona Fernandez | iNEWSPHILIPPINES



Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Miyerkules ang panawagang pagkakaisa o united Efforts mula sa iba’t-ibang mga bansa para tugunan ang pagbabago ng klima.


Sa kanyang unang talumpati sa77th Session ng United Nations (UN) General Assembly, sinabi ni Marcos na ang climate change ay ang pinakamalaking banta na nakakaapekto sa bansa at mamamayan.


Hinikayat din niya ang mga industriyalisadong bansa na tuparin ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng United Nations Framework Convention on Climate Change at ang Paris Agreement.


Nangako rin si Marcos na patuloy na gagawin ng gobyerno ng Pilipinas ang kanilang bahagi upang maiwasan ang inilarawan niyang "collective disaster."


Noong March 2017, niratipikahan ng Pilipinas ang Paris climate pact -- isang pandaigdigang pagsisikap na makamit ang mas mababa sa 2-degrees Celsius na pagtaas sa pandaigdigang temperatura.


Ilang araw lamang bago umalis patungong US, ginugol ni Marcos ang kanyang kaarawan sa isang Massive Tree Planting Activity sa San Mateo, Rizal noong Setyembre 13 bilang bahagi ng pagsisikap na itaas ang kamalayan sa kapakanan at pangangalaga sa kapaligiran.


Ang tree-planting initiative ay inaasahang makatutulong sa National Greening Program ng gobyerno, ang pinaka-ambisyosong reforestation program sa bansa.


Sa kanyang unang State of the Nation Address noong July 25, nangako rin si Marcos na dagdagan ang paggamit ng Pilipinas ng renewable energy sources tulad ng hydropower, geothermal, solar, at wind upang makatulong na mapabagal ang epekto ng climate change

0 views
bottom of page