Amor Sending | iNews | January 4, 2022

Photo Courtesy - Google
Cotabato City, Philippines - Balik "high risk"classification na ulit ang Pilipinas sa COVID-19 kasunod ng patuloy na pagtaas ng mga Covid-19 infection sa bansa, ayon sa DOH, araw ng Lunes, January 3.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang media forum na tumaas ng 570 percent ang daily epidemic curve ng Pilipinas mula December 27 hanggang January 2, 2022- pitong beses na mas mataas kumpara noong mga nakaraang linggo.
Sinabi ni Vergeire na ang pagtaas ng positivity rate ay nakita sa lahat ng rehiyon. Sa bansa, ang positivity rate ay umabot na sa 10.8%, habang ang positivity rate ng Metro Manila ay sumipa sa 19.4%.
Ang positivity rate ay ang porsyento ng lahat ng ginawang pagsusuri sa mga nagpositibo sa COVID-19
Nagsimula ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 mula ng makapagtala ang Pilipinas ng kabuuang 14 na kaso ng Omicron variant , tatlo mula rito ay local cases.
Nauna nang sinabi ng DOH na may "mataas na posibilidad" ng local transmission ng Omicron sa bansa.
Kasunod ng pagkakadiskubri sa tatlong lokal cases ng Omicron, ang Metro Manila ay isinailalim sa Alert Level 3 mula kahapon, January 3 hanggang January 15.
Hinimok naman ng DOH ang publiko na ipagpatuloy ang pagsunod sa minimum public health standards at magpabakuna o magpaturok ng booster shots.