Joy Fernandez | iNEWSPHILIPPINES
Inihayag ng Pork Producers Federation of the Philippines na tumaas ngayon ang presyo ng baboy sa ilang mga pamilihan dahil sa bumabang
suplay nito dulot ng African Swine Fever.
Sa price monitoring ng Department of Agriculture, ang dating P 355 kada kilo ng baboy, ngayon ay nasa P 370 na.
Ayon sa datos ng Bureau of Animal Industry, noong buwan ng hunyo ay dumarami ang mga lugar sa bansa na isinasailalim sa red o infected Zone dulot ng ASF.
Umabot sa 1,003 na mga lungsod at bayan ang may naiulat na kaso, mas mataas kumpara noong buwan ng Mayo na nasa 511 lamang.
Habang sa pinakahuling datos na inilabas ng BAI nitong ika-apat sa buwan ng Agosto, bahagyang bumaba na at nasa 493 nalang ang mga lugar sa bansa na isinailalim sa red zone.
Muli namang nanawagan sa gobyerno ang Pork Producers Federation of the Philippines na kung maaari ay bilisan na ang pamamahagi ng indemnification sa mga raiser na tinamaan ng ASF upang mahikayat silang i-report kung tumama ang sakit sa kanilang lugar.