PRESIDENTIAL BET SEN LACSON ISINUSULONG ANG GEO-TAGGING PARA MATIGIL NA ANG MGA GHOST INFRA-PROJECTS

iNEWS | November 19, 2021

Photo courtesy : Inquirer


Cotabato City, Philippines - Para matigil na ang ghost projects at iba pang uri ng korapsyon sa mga programang pang-imprastraktura ng gobyerno, plano ni Senador Ping Lacson na magpatupad ng isang geo-tagging system sa unang 100 araw ng kanyang termino sakaling manalo siya sa pagka-Pangulo sa 2022.


Ayon kay Lacson, ang pagkakaroon ng geo-tagging system ay magpapakita na seryoso siya sa kanyang zero-tolerance policy laban sa mga kahina-hinalang contractors at ang kanilang mga benefactors.


Binigyang diin ni Lacson na mahalaga ang paggastos sa imprastraktura ngunit dapat na makita ng taumbayan kung saan napupunta ang pondong nakalaan dito sa pamamagitan ng kongkretong resulta tulad ng pagluwag sa daloy ng trapiko, pagbaba sa pamasahe at ang pagiging konektado ng mga siyudad at probinsya sa bansa.


Importante aniya na maipagpatuloy ang pagpondo sa mga priority projects sa pamamagitan ng pagkakaroon ng time-bound targets. Kabilang sa nais niyang bigyang prayoridad ang mga transport systems para sa food supply chain, inter-island connectivity, regional food terminals at health facilities.


Isa pa sa nais ni Lacson na ipatupad ay ang paggawa ng climate-resilient infrastructure, at ang pagpapatigil sa mga nakagawiang "preventive maintenance" kung saan dini-demolish ang maaayos na kalsada


Ang mga proyektong ito ay magiging automated sa oras na maipatupad ng administrasyong Lacson ang isang National Broadband Program para pag-isahin at i-automate ang lahat ng government transactions para sa mas pinabilis na transaksyon, mas pinataas na pagkolekta ng buwis, at pagsugpo sa korapsyon sa lahat ng antas ng burukrasya.


11 views