top of page

PRESIDENTIAL CANDIDATE PANFILO LACSON, NANGAKO NG MAAYOS NA PAMUMUHAY SA PAG-ASA ISLAND

iNEWS | November 22, 2021


Photo courtesy: Ping Lacson FB


Cotabato City, Philippines - Nangako si Senador Panfilo “Ping” Lacson ng tulong-pangkabuhayan, maayos na pabahay, at mas magandang edukasyon para sa mga mamamayan ng Pag-asa Island.


Binisita ng presidential bet at standard bearer ng Partido Reporma ang Pag-asa Island noong Sabado at ikinalungkot ang hindi magandang kalagayan ng pamumuhay ng 193 na residente nito.


Ibinahagi ni Lacson na mayroon lamang isang elementarya sa isla at 2 guro na nagtuturo ng iba’t ibang grado.


Ayon sa senador dapat tutukan ang kapakanan ng mga residente na mas piniling manindigan sa isang isla na malapit na binabantayan ng Chinese Coast Guard.


Ginarantiya ni Lacson, na Chairman ng Senate Defense Committee, na pagtutuunan ng pansin ang mga isyung ito sa ongoing budget deliberations sa Senado.


Aniya, maglalaan siya ng pondo upang makapagpatayo ng 54 bahay sa isla, na nagkakahalagang P1 milyon kada bahay.


Kailangan din umanong pondohan ang edukasyon dahil hanggang grade 6 lang ang mayroon sa isla.


Higit pa rito, sinabi ni Lacson na dapat magbigay ng karagdagang pondo ang gobyerno para sa tulong-pangkabuhayan. Karamihan umano sa mga residente ay kumikita lamang sa pangingisda, na limitado naman dahil sa “pambu-bully” ng China.


Ayon kay Lacson, makatutulong ang mga livelihood programs para dumami ang tao rito, na kailangan umano upang maipakita na talagang pag-aari ng Pilipinas ang Pag-asa at mga kalapit na isla sa West Philippine Sea.


Sa kabila ng tensyon kamakailan sa kalapit na Ayungin Shoal, nagpahayag si Lacson ng pag-asa para sa pinagtatalunang West Philippine Sea.

14 views
bottom of page