Kate Dayawan | iNEWS | December 6, 2021

Photo courtesy : PRO BAR
Cotabato City, Philippines - Agad na ipinag-utos ni PBGen. Eden Ugale, Regional Director ng Police Regional Office - BAR sa Maguindanao Provincial Police Office ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa pagpaslang sa isang miyembro ng PNP sa Barangay Kauran, Ampatuan, Maguindanao noong Huwebes, December 2.
Ipinaabot naman ng heneral ang kanyang taus-pusong pakikiramay sa pamilya ng biktimang pulis na si Police Corporal Henry Mangaser Olindo, Jr. at nangakong gagamitin nito ang lahat upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek sa krimen.
Si Olindo ay 44 anyos na miyembro ng PNP na na-assign sa Lumbatan Municipal Police Station, Lanao del Sur at residente ng Rosary Heights 6, Cotabato City.
Sa report mula sa Maguindanao PPO, binabaybay umano ng biktima ang national highway ng Barangay Kauran sakay ng kanyang Honda XRM motorcycle patungo sa direksyon ng Koronadal City nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilang riding-in-tandem suspects gamit ang kalibre .45 pistola na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Pinaaalahanan naman ni PBGen. Ugale ang lahat ng police units na maging alerto at mapagmatyag dahil patuloy na gagawa ng karahasan ang mga kriminal at mga elemento ng terorista laban sa pwersa ng gobyerno sa kabila ng kinakaharap na COVID-19 pandemic.
Hinikayat naman nito ang publiko sa suportahan ang PNP sa laban kontra sa kriminalidad sa pamamagitan ng pagreport ng mga indibidwal na may kahinahinalang kilos.