MGCQ, pinalawig pa sa probinsya ng Maguindanao
Updated: Sep 8, 2021
Kate Dayawan | iNews | September 6, 2021
Cotabato city, Philippines - Mas pinalawig pa hanggang sa katapusan ng buwan ng Setyembre ang pagsasailalim ng lalawigan ng Maguindanao sa Modified General Community Quarantine.
Ito ay batay sa inilabas na Executive order no. 58 ng provincial government ng Maguindanao.
Patuloy naming ipinatutupad sa lalawigan ang mga panuntunan kabilang na dito ang pagpapatupad ng odd-even scheme.
Para sa mga registered plate number na may numerong nagtatapos sa 1, 3, 5, 7 at 9, papayagan lamang itong makalabas sa mga araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes.
Habang ang mga plate number naman na may numerong nagtatapos sa 2,4,6,8 at 0, pinapayagan lamang itong makalabas sa mga araw ng Martes, Huwebes at Sabado.
Exempted naman sa panukalang ito ang mga indibidwal na fully vaccinated na kontra COVID-19.
50% na lamang rin ang dapat na sakay sa mga pribado at pampublikong transportasyon.
Para sa mga tricycle at paying-payong, kinakailangan na isang pasahero lamang ang sakay nito habang pansamantala naming sinuspende ang operasyon para sa mga habal-habal.
Pinapayagan rin ang pagkakaroon ng pagtitipon ngunit kinakailangan na 50% lamang dadalo mula sa normal na venue capacity.
Strikto rin dapat na nasusunod ang ventilation standard alinsunod sa itinakda ng Department of Labor and Employment.
50% lang din ang venue capacity para sa mga religious gathering at meeting, incentive conferences and exhibition o MICE.
Idinagdag naman sa panuntunan ng lalawigan ang pagpayag sa mg indoor at outdoor non-contact sports.
Pinapayagan din na makapasok sa probinsya ang mga residente na mula sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ at MCGQ alinsunod sa matuwirang regulasyon na ipinatupad ng kanilang LGU.
Ipinagbabawal pa rin ang operasyon ng sabong maliban na lamang sa pagsasagawa ng e-sabong na lisensyado at pinapayagan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation.
