Kate Dayawan | iNEWS Phils | March 10, 2022

Photo courtesy : BTA Parliament
Cotabato City, Philippines - Nagsagawa ng public consultation ang Committee on Health ng Bangsamoro Parliament sa lalawigan ng Tawi-Tawi kaugnay sa upgrade at pagpapatayo ng ospital sa mga bayan ng Bongao, Sitangkai at South Ubian.
Sa ilalim ng BTA Parliament Bill 100 at 103, layon nito na i-upgrade ang Datu Halun Sakilan Memorial Hospital, na sa kasalukuyan ay mayroon lamang 25-bed capacity, sa 100-bed capacity.
Naniniwala umano si MP Amir Mawallil, isa sa mga may akda, na nararapat lamang para sa Tawi-Tawi na magkaroon ng mahusay na health care na maaaring maibigay ng Bangsamoro Government.
Samantala, layon naman ng BTA Bill No. 128 na makapagpatayo ng isang level 1 general hospital sa bayan ng Sitangkai, na isa sa mga matataong isla sa Tawi-Tawi.
Ito ay dahil sa kailangan pa umanong itawid sa dagat ang mga pasyente ng Sitangkai bago ito mai-admit sa ospital o di kaya’y makapagpacheck up.
Tinalakay din ang BTA Bill No. 135 sa consultasyon, kung saan layon naman nito na makapagpatayo rin ng isang level 1 general hospital sa South Ubian na isang 25-bed capacity.
End.