Amor Sending | iNews | January 10, 2022

Cotabato City, Philippines - Hindi lamang isa, kundi tatlong kumperensya ang planong idaos ng Premier Volleyball League upang markahan ang pagsisimula ng pangalawang pro season nito-
Ang Open Conference ay pansamantalang nakatakdang magbukas sa February 16, na may hindi bababa sa 10 koponan na kalahok.
Tinitingnan ng Sports Vision ang alinman sa Paco Arena Events at Sports Center sa Manila o sa Royale Tagaytay bilang venue para sa kanilang bubble set-up.
Matatandaang matagumpay na natapos ang kauna-unang kumperensiya ng PVL bilang isang professional league noong nakaraang taon sa Bacarra, Ilocos Norte kung saan nagkampeon sa naturang edisyon ang Chery Tiggo Crossovers.
Sa kasalukuyan, may 10 teams ang nasa listahan ng PVL matapos mabawasan ng isa sa ngalan ng Sta. Lucia Realty na nagdesisyong magsumite ng leave of absence dahil sa epekto ng pandemya.
Ngunit ayon kay PVL commissioner Tonyboy Liao, ilang teams na ang nagpahayag ng intensiyong lumahok sa 2022 season ng PVL.
Hindi pa pinangalanan ng PVL ang mga teams habang gumugulong pa ang negosasyon.
Nakatakda namang ganapin ang PVL Asian Invitational, ang ikalawang conference ng liga sa July 2 hanggang August 7.
Habang ang Reinforced Conference ay nakatakda sa October 1 hanggang November 29-
Ngunit hindi pa tukoy ang lugar na pagdadausan.
Tatlong buwan naman ang itatagal ng Open Conference, na
nagtatampok ng single-round robin preliminary round kung saan ang Top 4 ay magsasagupaan sa isang pares ng best-of-three semifinal series. Ang mga mananalo ay magtatalo sa korona.
Ang field ng ikalawang kumperensya ay hahatiin sa dalawang grupo para sa single-round elims para sa mga lokal na koponan kung saan ang nangungunang dalawa sa bawat panig ay maglalaban uli para sa isa pang single-round phase.
Ang tatlong mangunguna ay uusad sa susunod na round na tampok ang pambansang koponan at dalawang foreign squad.
Ang nangungunang apat na koponan pagkatapos ng isa pang single round phase ay lilipat sa semis kung saan ang dalawang nangungunang koponan ay magtatalo sa kampeonato.
Samantalang , ang huling kumperensya, ay magkakaroon ng single-round preliminary round kung saan ang apat na mangunguna ay uusad sa semis at ang dalawang mangunguna sa huli ay ang maglalaban para sa titulo.