top of page

Security Guard, kulong matapos na mahatulang guilty sa pamemeke ng RT-PCR result sa Zamboanga City!

Kate Dayawan | iNEWS | September 16, 2021


Cotabato City, Philippines - Makukulong ng dalawang taon at apat na buwan ang trenta’y kwatro anyos na security guard na si Nadznie Kasim.


Ito’y matapos na mahatulang guilty ni Judge Carlo Martin Alcala ng 9th Regional Trial Court (RTC) Branch 3 dahil sa pamemeke ng RT-PCR test result sa Zamboanga City.


Bukod pa rito ay makukulong din ng isa pang araw si Kasim dahil naman sa paglabag sa Section 5 (q) ng City Ordinance No. 532 o COVID-19 Emergency Ordinance of the City of Zamboanga.


Ayon kay Police City Director, Col. Rexmel Reyes, si Kasim ang kauna-unahang napatawan ng kaso at nakulong dahil sa pamemeke ng RT-PCR.


Agosto a-bente nitong taon, pasado alas tres ng hapon, nang mahuli ng mga otoridad si Kasim sa Zamboanga City International Airport.


Sa isinagawang beripikasyon ni Dr. Olivia Villena ng Zamboanga City Health Office at City Tourism Officer Wilfred Camins na walang record si Kasim sa Chinese General Hospital and Medical Center Institute of Pathology sa Santa Cruz, Manila kung saan umano ito nagpa-test batay sa nakasaad sa ipinakita nitong RT-PCR document.


Isang mandatory requirement para sa mga papasok ng Zamboanga City ang RT-PCR negative test result.


Katulad ni Kasim, marami na ring indibidwal ang nahuli ng Inter-agency Task Force sa mga border control ng lungsod dahil sa pagprisenta ng pekeng RT-PCR at nakasuhan na sa korte.


Samantala, nagbayad naman ng piyansa si Kasim na P38,000 para sa pansamantalang kalayaan nito at nang makauwi na ng Basilan.



Photo by: City Government of Zamboanga

9 views
bottom of page