Joy Fernandez | NEWS | November 15, 2021

Cotabato City, Philippines - Sa isang episode ng Online Kumustahan ng tambalang Lacson-Sotto sa Bacolod, idiniin ng kandidato sa pagkapangulo na ang MSMEs ang pinakanaapektuhan ng serye ng lockdown na ipinatupad sa bansa mula noong Marso 2020.
Ayon sa senador, 99.5% ng enterprises sa bansa ay MSMEs, at marami dito ang nagsara dahil sa pandemya at ngayon pa lamang nakakaahon.
Ikinalungkot din ng standard bearer ng Partido Reporma na kahit na naglaan ng tulong pinansyal para sa mga MSME tulad ng mga jeepney driver, maliit na porsyento lamang ng mga benepisyaryo ang aktwal na nakatanggap ng kanilang cash aid dahil ang database na ginamit sa pamamahagi ay mula pa noong 2015.
Sa mga naunang panayam, paulit-ulit nang itinutulak ni Lacson ang isang komprehensibo at targeted na fiscal stimulus package upang tulungan ang mga negosyante sa muling pagbubukas ng kanilang mga negosyo.
Kabilang sa kanyang mga mungkahi ay ang pagpapatupad ng eviction at foreclosure moratoriums, employee-retention tax credits, gayundin ang pagtangkilik sa mga lokal na negosyo.