iNEWS l November 12, 2021

Cotabato City, Philippines - Ayon kay Senator Panfilo Lacson, isang magandang investment ang pagbibigay ng masteral courses para sa mga community planner ng 1,488 municipalities sa bansa, para mapakinabangang mabuti ang pagtaas ng badyet kada LGU alinsunod sa Mandanas-Garcia ruling simula 2022
kung saan ang lokal na pamahalaan ay magkakaroon ng kasunduan kasama ang Development Academy of the Philippines para hasain ang kasanayan ng mga community planner sa bansa.
Aniya, kailangang ihasa ng community planners ang kanilang absorptive capacity para lubusang magamit ng LGUs ang karagdagang resources mula sa Mandanas-Garcia ruling - na ipapatupad simula 2022 - kung saan bibigyan ng kalayaan at responsibilidad ang lokal na pamahalaan na ipatupad ang kanilang proyekto.
Matagal nang isinusulong ni Lacson ang pagpapalakas sa LGUs sa pamamagitan ng kanyang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE), kung saan ililipat ang resources sa LGUs para maipatupad ang kanilang proyekto dahil sila ang mas nakakaalam kung ano ang pangangailangan at dapat na maging prayoridad ng kanilang constituents.
Sa kanyang pag-alala sa kanyang karanasan bilang Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery para sa pakikipag-ugnayan sa pag-aabot ng tulong sa mga biktima ng Super Typhoon Yolanda (Haiyan), ibinahagi ni Lacson na ang United States Agency for International Development (USAID) ay nagbigay ng P150,000 kada scholar para maka-enroll sa DAP.
Kabilang sa mga kinuhang kurso ng scholars ang Master in Public Management at Major in Local Governance and Development.