Joy Fernandez |iNEWS | November 17, 2021

Photo courtesy : Inquirer
Cotabato City, Philippines - Kinuwestiyon ng standard bearer ng Partido Reporma na si Senador Ping Lacson nitong Lunes kung bakit ang P5-bilyong pondo sa Covid-19 response ay ginamit para sa implementasyon ng farm-to-market road projects sa ilalim ng Agriculture Stimulus Package ng Bayanihan 2.
Sa kanyang interpelasyon, tinanong niya kung anong koneksyon ng farm-to-market roads sa pag-responde ng gobyerno sa pandemya?
Kinuwestyon din ni Lacson ang 17 porsyentong pagtaas para sa Agri-Machinery, Equipment, Facilities, and Infrastructure program ng DA mula P11.3 bilyon na naging P13.32 bilyon - kung saan ang bulto ng pagtaas ay mapupunta sa farm-to-market roads mula P4.98 bilyon sa ilalim ng National Expenditure Program na tumaas at naging P6.95 bilyon sa ilalim ng bersyon ng Mababang Kapulungan.
Nang tinanong ni Lacson ang DA tungkol sa naturang isyu, itinanggi ng ahensya na may alam sila sa mga detalye ng proyekto.
Dahil dito, binigyang diin ni Lacson na talamak na problema ng mga ahensya tulad ng DA na makatanggap na karagdagang pondo para sa farm-to-market roads nang hindi sila nakokonsulta ukol dito.
Dagdag niya, bagaman pinagpaplanuhan nang maigi ang pondo, madalas umanong nawawala ang budget na parang bula.
Samantala, muling nanawagan si Lacson para mabigyan ng sapat na pondo ang research and development, na sinusuportahan din ni DA Secretary William Dar.