Kate Dayawan | iNEWS | September 15, 2021
Cotabato City, Philippines - Inirerekomenda ngayon ng senado sa Commission on Elections na palawigin pa ng isang buwan ang voter’s registration sa bansa.
Ito’y matapos na in-adopt ng mga senador ang Senate Resolution No. 851 na humihimok sa Comelec na palawigin pa ang voter’s registration deadline sa katapusan ng Oktubre.
Ayon sa mga senador, ito ay upang mapigilan ang disenfranchisement o ang posibleng pagkait sa karapatan ng mga tao na bumoto dahil sa COVID-19 pandemic.
Hirit pa ng mga ito, hindi naman makakaapekto sa preparasyon ng Comelec ang isang buwang pagpapalawig dahil nagawa na umano ito sa mga nakalipas na eleksyon.
Bandang Oktubre o lagpas pa nga ng Oktubre ang ginawang deadline ng pagpaparehistro noong mga nagdaang elesyon.
Halimbawa na lamang dito ay ang eleksyon noong 2001 na kung saan ay itinakda ang voter registration deadline noong Dec. 27, 2000; 2004 election na kung saan umabot hanggang sa katapusan ng Oktubre taong 2003 ang deadline sa pagpapatala; eleksyon noong 2007 kung saan ay napalawig pa hanggang Dec. 31, 2006 ang voter’s registration; 2010 election na umabot ng hanggang Jan. 9, 2010 ang voter registration deadline; ipinalawig din ang deadline sa pagpapatala para sa 2013 election hanggang October 31, 2012 at maging ang eleksyon noong 2016 na ipinalawig hanggang October 31, 2015 ang deadline ng voter registration.
Kinilala rin anila ng Korte Suprema ang kapangyarihan ng Comelec na magtakda ng deadline sa voter registration basta’t hindi lalagpas sa 120 days bago ang aktwal na halalan.
Sinabi ng mga senador na mahalaga na palawigin ang voter registration dahil ang higit lima at kalahating buwan na suspension ng pagpaparehistro ay katumbas ng 28.3 percent ng kabuuang registration period at idagdag pa ang suspension sa mga enhanced community quarantine (ECQ) at modified ECQ areas katulad ng Metro Manila.
Dahil anila dito kaya't lalabas na nasa 38.6 percent ng kabuuang registration period ang nawala at nasayang.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa rin ang voter’s registration ng Comelec sa buong bansa at nakatakdang magtapos sa Setember 30.
