Joy Fernandez | iNEWS | October 25, 2021
Cotabato City, Philippines - Sa ikalawang bahagi ng Online Kumustahan ng tambalang Lacson-Sotto sa Antipolo, sinabi ni Partido Reporma Presidential Bet, Senator Panfilo Lacson na kailangan tanggalin ang mga lockdowns upang magkaroon ng balanse sa pagbubukas ng mga negosyo.
Pero ayon sa senador, hindi dapat gawin ng basta-basta ang pagtitigil ng lockdown. Bumuo na sina Lacson at Sotto ng mga grupo ng eksperto na magpaplano ng data-driven at science-based na paraan para mabilis at maayos ito na maipatupad.
Dagdag ni Lacson, ito ang pinakamalaking tulong na maibibigay nila sa bawat pamilyang Pilipino na nawalan ng ikinabubuhay sa ilalim ng pandemya.
Pinaka-importanteng hakbang ang pagpapabilis ng rollout ng bakuna, na magagawa naman sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor. Dagdag ni Lacson, isa sa mga nagpapagal ng bakunahan sa bansa ay ang pag-ipit ng nasyonal na gobyerno sa supply ng bakuna.
Ang isang solusyon ay less government intervention, hindi umano dapat mag-overregulate ng vaccine supply.
Nauna nang sinabi ni Lacson na bukod sa paulit-ulit na lockdowns, ang nagpapalala sa COVID-response ng Pilipinas ay korapsyon sa Covid response.
