top of page

SENATOR PING LACSON, TATAPUSIN ANG MALILIGAYANG ARAW NG MGA MAYAYAMANG MAGNANAKAW

Lerio Bompat | iNEWS | January 28, 2022



Photo Courtesy: Google Photo


COTABATO CITY, Philippines - Upang patunayang seryoso siya sa patas na pagpapatupad ng mga batas, lalo pagdating sa usapin ng katiwalian sa Pilipinas, nagbabala si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na may sasampolan siyang mayamang magnanakaw sa loob ng kanyang panunungkulan.


Inihayag ito ni Lacson sa naging panayam sa kanya ng TV host na si Boy Abunda, Lunes ng gabi, kung saan muli niyang iginiit na ang solusyon upang tuluyang masugpo ang talamak na korapsyon sa gobyerno ay linisin ito mula puno hanggang dulo.


Ayon kay Lacson na tumatakbo sa pagkapangulo ngayong Halalan 2022, ang mga polisiyang kanyang ipatutupad kaugnay ng malawakang kampanya kontra katiwalian ay paiiralin sa lahat ng mga opisyal at kawani ng lokal at pambansang pamahalaan—kapartido man o hindi.


Masidhi ang pagnanais ni Lacson na gawin ito sa loob ng kanyang administrasyon dahil sa nangyari kay Lolo Narding Flores, na nagawang magnakaw ng mangga dahil sa kahirapan at ipinakulong agad, samantalang ang mga nagnanakaw sa kaban ng bayan ay patuloy na namamayagpag.


Oras na maluklok bilang ika-17 pangulo ng republika, plano ni Lacson na sampahan ng kaso ang mga kilala niya at alam din naman ng marami na walang hiya kung magnakaw sa kaban ng bayan. Hindi niya ito pinangalanan ngunit nangako siyang mangangalap ng malakas na ebidensya laban dito.


Sisiguraduhin umano ni Lacson na ang kasong maisasampa laban sa mga tinutukoy niyang mayayamang magnanakaw ay may matibay na ebidensya at hindi maiimpluwensiyahan ng sino mang opisyal mula sa tatlong sangay ng pamahalaan.


Dagdag pa ng pambato ng Partido Reporma, dadaan ang kasong ito sa tamang proseso at lahat ng gagawing hakbang ng kanyang pamahalaan ay naaayon sa batas, ngunit maaasahan ng publiko na tiyak na babagsak sa kulungan ang sino mang mahahatulang nagkasala at nagnakaw sa bayan.


Kumpiyansa si Lacson na magagawa niya ito dahil sa ganitong paraan niya napatino ang Philippine National Police (PNP) na noo’y naging pugad din ng mga tiwali. Ilang matataas na opisyal ng kapulisan ang napatalsik ni Lacson sa puwesto dahil sa mga kinasangkutang iba’t ibang gawaing labag sa batas.


Gabay ni Lacson sa matinong pamumuno ang prinsipyo na ‘leadership by example.’ Bahagi ng kanyang plataporma ang pagbibigay ng mas maayos na serbisyo publiko at pagsupo ng katiwalian sa pamahalaan na nakapaloob sa mensaheng “Aayusin ang Gobyerno, Uubusin ang Magnanakaw.


10 views
bottom of page